Sa kauna-unahang pagkakataon ay magkakaroon ng gay beauty pageant sa buong lalawigan na tatawaging “Queen of Marinduque” ngayong darating na Mayo 24, 2018.
Ang pageant ay pagpapakita ng suporta ng pamahalaang panlalawigan sa Lesbian, Gay, Bisexual at Transgender (LGBT) Community na may layuning turuan at itaguyod ang paggalang at pagkilala sa lahat ng uri ng kasarian sa lipunan.
Ayon kay Mark Cezar Ola, media relation officer ng Queen of Marinduque 2018, “Sa pamamagitan ng gawaing ito ay maipakikita ang ganda, talino at husay ng ating mga kababayan na kabilang sa grupo ng LGBT”.
Dagdag pa ni Ola, ang tatanghaling Queen of Marinduque 2018 ay magiging ambassador ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) Awareness Program sa buong lalawigan.
#MakeADifference: Kabayan, help us to stay up, help us to buy a video camera
Magkakaroon ng grand screening ngayong Biyernes, Abril 27 sa Dr. Damian Reyes Session Hall sa bayan ng Boac.
Inaanyayahan ang mga miyembro ng LGBT na may gulang 18 pataas at residente ng Marinduque na makiisa sa gawaing ito.
Ang Queen of Marinduque 2018 ay inorganisa sa pakikipag-ugnayan ng Marinduque Pride, isang LGBT group sa probinsya sa tulong ni Dr. Violet Reyes at ng Provincial Health Office ng kapitolyo.
Ang Pre-Pageant Activity ay nakatakdang isagawa sa Mayo 12, 2018.
Samantala, sa grand coronation night na gagawin sa Mayo 24 sa Boac Capitol Compound, ang mga kandidato ay huhusgahan ng kilalang personalidad at LGBT advocates. –Marinduquenews.com