BOAC, Marinduque – Naglunsad ng web conference hinggil sa creative economy ang Marinduque State College Culture and the Arts, kamakailan.
Sa pagtatapos ng Buwan ng Pamana at Lahing Pilipino, nilikom ng mga mag-aaral sa gradwadong antas at undergraduate na programa ng Bachelor of Arts in Communication, Bachelor of Arts in English Language Studies, Bachelor of Arts in Social Work at Master of Arts in Education kasama ang Masters in Public Administration ang kanilang mga output.
Sa ikalawang semestre para sa taong 2020-2021, bagamat patuloy na dumaranas ng pandemya at flexible learning, nagkaroon ng pagsisinop ng mga kolaboratibong pag-aaral sa ilalim ng mga klase ng Communication Elective 4: Creative Cultural Development; English Language Studies 109: Introduction to Language, Culture and Society; General Education 5: Contemporary World at Foreign Language 2: Advanced Foreign Language.
Mula sa gawain ng mga pangkat ng BA Communication 3 na mga mag-aaral sa ComElect 4 ay nakabuo ng serye ng mga webinar tampok ang mga update tungkol sa Cultural Mapping ng iba’t ibang bayan sa lalawigan. Sa unang episode ng Tertulyang Pamana noong Mayo 7, inilahad ni Ernani Sto. Domingo ang bahagi ng kanyang pag-aaral tungkol sa Food Culture ng Marinduque.
Samantala, sa ikalawang episode noong Mayo 14, nagbahagi naman si Jimbo Fatalla ng kanyang panimulang sipat sa Araling Marinduque na may pamagat na Paglinang sa Kultura – Pamana, Identidad at Pananaliksik habang sa ikatlong episode noong Mayo 21 naman ay nagbaliktanaw naman si Krenessa Constantino para sa “Journey and Status of Santa Cruz Cultural Mapping.”
Sa huling episode ng Tertulyang Pamana noong Mayo 28, nagbigay ng kani-kanilang karanasan sina Topher Rebistual at Dr. Rex Asuncion sa “Progress and Updates of Cultural Mapping in Gasan.”
Sa kabilang banda, ang mga mag-aaral naman ng Bachelor of Science in Social Work na kumukuha ng GEC 5: Contemporary World ay naghanda ng mga video presentation tungkol sa Creative Economy. Nahahati sa dalawang bahagi ang kanilang mga paksa, ang Media Arts, Gastronomy, Crafts and Folk Arts at Design ang Section A habang ang architecture, dance, visual arts at theater naman ang natoka sa Section B.
Gayundin ang naging hatian ng mga mag-aaral ng BA ELS na kumukuha ng ELS 109 na gumawa ng mga journal article tungkol sa Marinduque Toponymy. Ang BA ELS Section A ay nangalap ng mga paksa sa Boac, Mogpog at Buenavista, Santa Cruz maging sa Gasan at Torrijos habang ang BA ELS Section B ang nagsagawa ng pag-aaral para sa ibang barangay ng mga nabanggit na bayan sa probinsya. – PR