BOAC, Marinduque — Nagbigay ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Office of Civil Defense (OCD) ng paunang disaster emergency kits sa pamahalaang panlalawigan ng Marinduque.
Bagamat walang naganap na pormal turn-over ceremony dahil sa kasalukuyang restriksyon bunsod ng COVID-19 pandemic, marami namang pinadalang kagamitan si Ret. Major General Ruben Carandang, regional director ng OCD-Mimaropa para sa provincial at municipal disaster risk reduction and management offices.
Kabilang sa mga ipinagkaloob na kagamitan ay 100 stackable storage boxes, 400 piraso na blankets at 1,100 hygiene kits.
Mayroon ding 18 megaphones na magagamit para sa epektibong pagbibigay babala sa mga mamamayan tuwing may kalamidad.
“Lubos po tayong nagpapasalamat sa NDRRMC at OCD Mimaropa sa mga ibinigay na kagamitan na magsisilbing ‘stockpile’ at bilang paghahanda in case of disaster at emergencies,” ani Gov. Presbitero Velasco, Jr.
Agad na ipamamahagi sa anim na munisipalidad ang nasabing mga disaster emergency kits para sa kanilang pangangalaga. — Marinduquenews.com