BOAC, Marinduque — Matapos mabakunahan laban sa COVID-19, hinikayat ni Diocese of Boac Bishop Marcelino Antonio ‘Junie’ Maralit, Jr ang mga mamamayan na huwag nang mag atubiling magpabakuna upang mawakasan na ang pandemya.
“Huwag po kayong matakot! Ito na po sa ngayon ang ating best protection laban sa COVID-19 na ito. Maaari pong makakuha pa rin tayo ng virus, pero protektado po kayo sa bahagi na ito na hindi na kayo mapalalagay sa alanganin,” anang obispo.
“Kung ako po sa inyo ay magpabakuna na po kayo sapagkat ito po ay para sa inyo, para na rin po sa inyong mga mahal sa buhay,” dagdag pa nito.
Si Bishop Junie, kasama nang ilan pang mga pari ay kabilang sa mga nabigyan ng bakunang Janssen mula sa Johnson & Johnson na napatunayang mabisa laban sa alpha at delta variant ng COVID-19.
“Lahat po ng pari natin ay nakapagpabakuna na, at sa tingin ko po ay wala namang nagkaroon ng kakaibang epekto sa amin. Ang sabi lamang po ng aking mga nakausap kahapon ay sila ay nagutom,” paliwanag ng obispo.
Samantala, inalala rin ni Bishop Maralit ang mga sakripisyo at pagtitiyaga ng mga frontliners na nasa gobyerno at sektor ng kalusugan hindi lamang para sa paghahatid nang serbisyo, kundi pati na rin sa patuloy na paglaban sa pandemiya.
“Sa inyo pong lahat, ang akin pong pagpapasalamat at saludo, at syempre po ay panalangin na sana ay lagi kayong ingatan ng Poong Maykapal sa kahit anong karamdaman,” pagtatapos ng lider ng simbahan. — Marinduquenews.com