Pinasalamatan ni Diocese of Boac, Marinduque Bishop Marcelino Antonio Maralit ang Department of Environment and Natural Resources sa pagtanggap nito sa Marinduque Campaigners upang pakinggan ang hinaing ng mamamayan ng lalawigan.
Ayon sa Obispo, matagal nang suliranin ng mahihirap na mamamayan ng Pilipinas ang pagkasirang idinudulot ng mga minahan sa kalikasan.
Dahil dito, ikinagalak ng Obispo ang pagtingin ng pamahalaan sa kalikasan at sa tao na may pagpapahalaga.
“Ang mensahe ko sa kanya, salamat sa kanyang kahandaang laging makipag-usap sapagkat napakatagal nang issue itong pagmimina sa Pilipinas and for the past few administrations ito yung priority nila economic priority and for the first time meron tayong pangulo ngayon na ang kanyang tanong, hindi ito ang priority natin, iba at dapat tignan natin kung anong nangyari at dapat pagbayarin itong mga nanamantala at umabuso sa ating bayan na mga kumita at yumaman,” pahayag ng Obispo sa Radyo Veritas.
Taong 1969 nang magbukas ang Marcopper Mining sa Marinduque kung saan iniulat ng Marinduque campaigners na dito nag ugat ang unti-unting pagkasira ng kanilang kapaligiran. Kasunod nito taong 1993 naganap ang pinakamalaking trahedya sa lalawigan kung saan gumuho ang dam na tambakan ng mga mining residue at iba pang nakalalasong chemical mula sa mina.
Nagdulot ito ng pagkamataya ng dalawang indibidwal at malaking pinsala sa kabuhayan at agrikultura ng mga residente na magpahanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin naisasaayos.
Sa Laudato Si ni Pope Francis, kinondena nito ang ganitong pang-aabuso sa kapaligiran ng mga mayayamang bansa sa mga mahihirap na bansa tulad ng Pilipinas.