BOAC, Marinduque – Pormal nang ipinaubaya ng Regional Trial Court (RTC)-Marinduque Branch 38 sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Marinduque ang mga shabu at marijuana na nakumpiska ng iba’t-ibang drug enforcement units sa lalawigan mula sa kanilang sting operations.
Ayon kay PDEA-Marinduque Provincial Officer Jeremy Carl Juinio kabilang sa mga itinurn-over sa kanilang tanggapan ay ang mga nasabat na methamphetamine hydrochloride at marijuana na may kabuuang timbang na 180 gramo at nagkakahalaga ng P1.8 milyon.
Ang nasabing mga kontrabando ay nasabat simula pa noong 1999 hanggang Nobyembre ngayong taon sa mga magkakahiwalay na operasyon ng PDEA at PNP.
Ito ay nakatakdang dalhin sa National Headquarters ng PDEA upang doon sirain sa pamamagitan ng incinerator bilang pagtalima naman sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na sunugin na ang mga ito para maiwasan ang “illegal drug recycling”.
Kabilang sa mga dumalo sa nasabing informal turn-over ceremony ay sina OIC-Marinduque PPO Wilson A. Santos, PLt.Col. Mary Jane Cordero, Atty. Mark Andrew B. Quinto ng RTC Branch 38 at PDEA-Marinduque Head Jeremy Carl Juinio.
Ang turn-over ay alinsunod sa Section 21 ng Republic Act No. 9165 kung saan nakasaad na ang PDEA ang dapat mangalaga sa lahat ng mga drug evidence kabilang ang mga operasyon kontra sa iligal na droga ng ibang ahensya ng gobyerno. – Marinduquenews.com