MANILA, Philippines — Matapos ang siyam na taong paghihintay, mapapasakamay na ng isang lotto winner, na may nasirang lotto ticket, ang kanyang napanalunang P12 milyong jackpot prize sa Lotto 6/42 ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ito ay matapos tiyakin kahapon ni PCSO General Manager Melquiades Robles na tatalima ang kanilang tanggapan sa kautusan ng Korte Suprema na i-turn over na ang premyo ng naturang bettor.
Malugod ding tinanggap ni GM Robles ang lotto winner na bumisita sa kanyang tanggapan kahapon.
Siniguro rin ni Robles na kaagad nilang ibibigay ang premyong napanalunan niya sa sandaling matapos na ang documentary at iba pang proseso nito.
Nauna rito, naglabas ang SC ng 17-pahinang ruling na nag-aatas sa PCSO para i-release ang P12,391,600 napanalunan ng bettor.
Oktubre 2, 2014 nang tumaya ng tatlong lucky pick ang bettor sa Lotto 6/42 sa isang outlet sa Batangas.
Malaunan, nadiskubre niya na nagwagi siya, ngunit nilukot ng kanyang apo ang kanyang winning ticket.
Dahil dito, plinantsa ng anak niya ang ticket, sanhi upang ma-damage ito at mabura ang ilang detalye.
Nagtungo ito sa PCSO at gumawa ng handwritten account ng insidente, ngunit sinabihan sya ng PCSO na hindi niya maaaring ma-claim ang premyo dahilan para idulog niya ito sa SC. (Danilo Garcia, Pilipino Star)