BOAC, Marinduque — Hindi na mangangamba ang mga residenteng malapit sa Brgy. Santol sa bayan ng Boac tuwing may bagyo at malakas na buhos ng ulan dahil tapos na ang konstruksyon ng mahigit P18.2 milyon na flood control project sa naturang barangay.
Ayon kay Marinduque District Engineer Richard Emmanuel P. Ragragio, nakompleto na ang pagsasaayos ng 112 linear meter na istrukturang pangkontrol ng baha na may 9.0 metro ng steel sheet piles.
Ang proyekto ay pinondohan ng DPWH nang halagang P18,214,714.08 sa ilalim ng Regular Infrastructure-General Appropriations Act of 2024.
“Ang sobrang dami ng tubig ay nagdudulot ng flash flood at pinsala sa mga buhay at ari-arian ng ating mga kababayan sa Brgy. Santol lalo na sa panahon ng malakas na buhos ng ulan at pag-apaw ng ilog kaya sa pagtatayo ng Santol Flood Control na ipinatupad ng DPWH Marinduque ay mas napo-protektahan na ngayon ang mga komunidad na malapit sa banta ng pagbaha,” pahayag ni Ragrario.
Sa paglalagay ng bagong flood mitigation structure ay inaasahang maililihis ang labis na tubig mula sa mga ilog at sapa palayo sa mga kabahayan. Mapabubuti rin ang sitwasyon ng mga daluyan ng tubig, maiiwasan ang waterlogging o pagbara sa mga kanal gayundin ang pagbaha sa mga patag na lugar.
Ang Santol Flood Control Project ay inaasahang makapagbibigay ng pangmatagalang kaligtasan sa mga mamamayang naninirahan malapit sa mga apektadong komunidad. — Marinduquenews.com