SANTA CRUZ, Marinduque – Inaprubahan na ng Committee on Youth and Sports Development ang panukalang batas na nagsusulong na magtayo ng sports academy at training center sa barangay Baliis, Santa Cruz, Marinduque.
Ayon sa House Bill No. 8317 na may titulong “An Act Establishing Marinduque Sports Academy and Training Center in Barangay Baliis, Municipality of Santa Cruz in the Province of Marinduque,” layunin nito na linangin ang kakayanan ng mga atletang Marinduqueno sa larangan ng pampalakasan; palaganapin ang pagtuturo ng pisikal na edukasyon; at sanayin sila sa pamamagitan ng mga programang pang-isports at liga.
Nagpahayag naman ng kagalakan si Marinduque Lone District Representative Lord Allan Jay Velasco dahil sa suporta na natanggap mula sa mga kasamahan niya sa komite. Aniya, panahon na raw upang magtayo ng ‘sports academy’ at ‘training center’ sa lalawigan lalo na at mahilig ang mga kabataan ngayon sa larong basketball.
Bukod pa rito ay prayoridad din umani ng panukalang batas na ito na mapanatili ang magandang kalusugan at pangangatawan ng bawat Marinduqueno gaya ng isinusulong ng Philippine Sports Commission’s (PSC’s) Grassroots Program.
Sa ngayon ay umaasa ang tanggapan ng kinatawan na ito ay aani rin ng suporta sa senado. –Marinduquenews.com