MOGPOG, Marinduque – Pormal ng sinimulan ang Palarong Panlalawigan 2018 nitong Miyerkules, Nobyembre 7 sa bayan ng Mogpog, Marinduque.
Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng palarong panlalawigan ay ginanap ang patimpalak-pampalakasan sa bayan ng Mogpog na kadalasan ay isinasagawa sa mga bayan ng Boac at Torrijos.
Malugod na tinanggap ni Mogpog Mayor Augusto Leo Livelo ang mga guro at opisyales ng pansangay na tanggapan ng Kagawaran ng Edukasyon sa Marinduque sa ginanap na solidarity meeting sa Mogpog Central School.
Pasado alas 2:00 ng hapon nang magsimula ang parada sa kabayanan ng Mogpog na nilahukan ng mahigit 3,000 atleta at mga opisyal mula sa iba’t-ibang delegasyon ng mga munisipyo ng lalawigan.
Panauhing pandangal sa pagbubukas ng palaro si Marinduque Lone District Rep. Lord Allan Jay Velasco kasama ang ilang opisyales ng lokal na pamahalaan.
Pinangunahan naman ni Officer-in-Charge Schools Division Superintendent Laida Lagar-Mascareñas, district sports coordinator at supervisors ang pagtataas ng bandila ng Kagawaran ng Edukasyon.
Nagpalipad rin ng lobo at kalapati ang mga dumalo na sumisimbolo sa pagkakaisa at kapayapaan ng nasabing gawain.
Magtatapos ang Palarong Panlalawigan sa Nobyembre 10, 2018. –Marinduquenews.com