Pawikan na galing Malaysia, natagpuang patay sa Gasan

GASAN, Marinduque — Palutang-lutang at wala ng buhay nang matagpuan ang isang babaeng pawikan sa dalampasigang sakop ng Sitio Talinya, Barangay Masiga, Gasan, Marinduque nitong Lunes ng hapon, Enero 29.

Base sa inisyal na ulat ng Sangguniang Barangay ng Masiga, mukhang sinaksak umano ang isang mata nito na nagresulta para mabulag ang kaawa-awang buhay-ilang.

Ang green sea turtle na may scientific name na chelonia mydas ay may haba na 100 sentimetro, lapad na 91 sentimetro at ang circumference nito ay 53 sentimetro habang ang pang-unang palikpik o flipper ay may habang 50 sentimetro.

Mayroong dalawang tag na may numerong 134777 at 134778 na nakita sa magkabilang palikpik ng pawikan na palatandaan na dalawang beses itong napadpad sa dalampasigang sakop ng bansang Malaysia.

Nakasulat din sa nasabing tag na nagmula ang pawikan sa Turtle Island Park at may pahatirang sulat na Box 768 Sandakan, Sabah, Malaysia.

Ayon kay Dr. Josue Victoria, provincial veterinarian, posibleng sa lalawigan ng Marinduque ipinanganak ang pawikan sapagkat nakatakda itong mangitlog sa lugar na kanyang sinilangan.

Nakipag-ugnayan na rin aniya ang Provincial Veterinary Office-Marinduque Animal and Wildlife Rescue Emergency Response Team sa International Marine Turtle Network na naka base sa Malaysia.

Patuloy na nagpapaalala ang mga awtoridad na kung sakaling makakita ng pawikan, huwag itong saktan sapagkat itinuturing na itong endangered species. — Marinduquenews.com

error: Content is protected !!