MOGPOG, Marinduque – Isa ang Philippine Coast Guard (PCG)-Substation Mogpog sa mga ahensya ng gobyerno na naging abala sa katatapos lamang na Undas.
Sa pangunguna ni Petty Officer III Denmark Cueto, mahigpit na binantayan ng PCG-Mogpog ang Balanacan Port upang siguraduhin ang katiwasayan at kaligtasan ng mga pasaherong nagtungo at umalis ng Marinduque nitong nagdaang ‘holiday season’.
Naging kabahagi rin ng Oplan Biyaheng Undas 2018 si Lt. Cmdr. Victorino Acosta ang station commander ng Philippine Coast Guard southern Quezon kung saan ay personal itong nagtungo sa lalawigan upang magsagawa ng ‘random inspection’.
Samantala nitong Lunes, Nobyembre 5 ay nakiisa rin ang ahensya sa Nationwide Simultaneous Earthquake Drill and Observance of World Tsunami Awareness Day na isinagawa sa Barangay Argao, Mogpog.
“Napakaganda ng ginawa nating earthquake at tsunami drills sapagkat nagsama-sama ang iba’t ibang ahensya at organisasyon kagaya ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Provincial Disaster Risk Reduction Management Office, Office of Civil Defense, Kabalikat Civicom at Water Search and Rescue Team ng Philippine Coast Guard Auxiliary upang ihanda ang ating mga kababayan sa mga sakunang dulot ng lindol at tsunami”, bahagi ng pahayag ni Cueto. –Marinduquenews.com