MANILA, Philippines – Pinagtibay na ng PDP-Laban ang suporta sa speakership ni Marinduque Representative Lord Allan Velasco.
Ayon kay Pampanga Representative Aurelio Gonzales, ang interim national executive vice president ng partido, nagsagawa ng caucus kahapon ang PDP-Laban at pinagtibay nila ang suporta sa speakership bid ni Velasco matapos na makakuha ito ng 40 pirma sa manifesto ng suporta sa kanyang mga kapartido.
Sinabi naman ni Surigao del Sur Representative Johnny Pimentel na mayroon nang 185 na siguradong boto si Velasco mula sa apat na political parties sa Mababang Kapulungan.
Sinabi pa ni Gonzales na napag-usapan nila ni Velasco ang mga hakbang para mapalakas at magampanan ng partido ang kanilang tungkulin bilang leading party sa Kamara.
Bagamat matatandaang nagpahayag ng interes noon si Gonzales sa pagtakbo bilang Speaker ng 18th Congress ay nagbigay daan na lamang ito para kay Velasco.
Habang si Davao del Norte Representative Pantaleon Alvarez naman na isa ring gustong bumalik sa pwesto ay nangakong susunod sa desisyon ng partido.
Hinihikayat naman ni Pimentel ang mga kasamahang mambabatas na pumirma sa manifesto ng suporta para kay Velasco. – This article was first published on Rmn.ph