Philippine long-tailed macaque, na-rescue sa Poctoy White Beach

TORRIJOS, Marinduque – Isang unggoy o Philippine long-tailed macaque (Macaca fascicularis philippinensis) ang na-rescue sa Poctoy White Beach sa bayan ng Torrijos.

Ayon kay Dr. Josue Victoria, provincial veterinarian ng Marinduque, boluntaryong isinauli ng tagapangalaga ang nasabing hayop sa Marinduque Animal and Wildlife Rescue Emergency Response Team (MAWRERT), Biyernes ng hapon.

Napag-alaman ng Marinduque News mula kay Dr. Victoria na kapag may nakita o namataan na kahalintulad na uri ng hayop lalo na iyong tinatawag na mga ‘endangered species’, dapat itong ipagbigay alam agad sa MAWRERT sa mga numerong 0939-910-0115.

“Hindi sila pet at may mga nakahahawang sakit ang mga unggoy na nasasalin sa tao tulad ng Hepatitis, TB, parasites at iba pa na maaring maglagay sa panganib sa kalusugan ng tao”, paliwanag ni Josue.

Dagdag pa ng beterinaryo, “Higit sa lahat, mayroon tayong Wildlife Protection Act na nangangalaga sa kapakanan ng mga ‘buhay-ilang’, nakapaloob sa batas na ito ang mga kaparusahan sa nasabing paglabag”.

Ang Marinduque Animal and Wildlife Rescue Emergency Response Team habang nire-rescue ang Philippine long-tailed macaque

Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng Marinduque Animal at Wildlife Team ang naturang hayop upang bigyan ng ‘nutritional rehabilitation’ at ‘health management’. Marinduquenews.com

Posted in Uncategorized

Leave a Reply

error: Content is protected !!