BOAC, Marinduque — Sa nagdaan na Social Development Sectoral Committee and Annual Investment Program Presentation, tumuon naman ang mga kasapi nito para sa kapakanang panlipunan ng mga Marinduqueno.
Sa sector ng pangkalusugan, nais ng Provincial Health Office (PHO) na madagdagan ang mga kagamitan sa mga ospital lalo’t higit ang mga laboratory equipment. Mungkahi rin nila na balak din nila na makapagpalagay sila ng sprinklers para sa Torrijos Municipal Hospital at Sta. Cruz Municipal Hospital bilang tugon sa fire safety guidelines ng Bureau of Fire Protection.
Nais din ng PHO na sa taong 2018 may mapabababa nila ang bilang ng mga biktima ng diabetes at hypertension at maturuan sila ng wastong pangangalaga ng kalusugan.
Sa pagdalo naman ni Gob. Carmencita O. Reyes sa pagpupulong na ito ay nabanggit niya sa Public Employment Service Office (PESO) na tulungan ang mga mag-aaral na nagsipagtapos sa Marinduque State College sa paghahanap ng trabaho sa lalawigan nang sa gayun ay hindi na sila pupunta sa siyudad para maghanap ng mapapasukan. Kaya naman nangako ang PESO na maghahanap sila ng recruitment programs para sa kanila.
Pagsasaayos naman ng provincial jail ang nais maisakatuparan ng Bureau of Jail Management and Penology ng Marinduque at pagpapatayo ng mga pampalikuran para sa mga may kapansanan malapit sa mga pampublikong establisyemento ang nais maisagawa ng Provincial Social Welfare and Development Office.
Bukod sa gobernadora ay dumalo rin dito sina Bokal Tet Caballes at Bokal John Fernandez.
Source: PIA-MIMAROPA/Marinduque | Photo: Marinduque Provincial Government