|
Mayor Gil Briones of Torrijos |
BOAC, Marinduque – Ang Philippine Statistics Authority, Marinduque ay nagsagawa ng “Civil Registration Training” para sa mga kalihim ng mga barangay nuong Hulyo 17, 2014 sa A & A Beach Resort, Laylay, Boac.
Ang pagsasanay sa pagpapatalang sibil ay isinagawa para sa mga kalihim ng lahat ng mga barangays ng mga munisipalidad ng Gasan, Santa Cruz at Torrijos. Mahigit isang-daan na mga kalihim ang dumalo.
Panauhing pandangal dito si Punong Bayan ng Torrijos Gil Briones na nagsabing, mahalagang maipaunawa ang kahalagahan ng pagpapatalang sibil na palagiang kinakampanya ng Local Civil Registry Office.
“Paano ba ang mabuhay sa mundong ito nang walang pagkakakilanlan ang katauhan? Madalas kapag hindi tayo naka-rehistro, sinasabing tayo ay ‘colorum’ na ang ibig sabihin ay ‘illegal’. Ayon sa Artikulo 7 ng Convention on the Rights of the Child, “The child shall be registered immediately after birth and shall have the right from birth to a name and the right to acquire a nationality…” Kaya’t pananagutan ng mga magulang o sinuman ang nagpaanak sa bata na iparehistro agad ang kapanganakan nito sa tanggapan ng Local Civil Registrar sa lugar kung saang bayan ipinanganak ang bata”, paliwanag ni Briones.
Dagdag pa niya, hindi lamang ang pagpaparehistro ng kapanganakan ng bata ang dapat na isagawa ng mga taong may kinalaman sa panganganak, pananagutan din nila na alamin kung tama ang nakatala sa Certificate of Live Birth o dokumento ng kapanganakan bago ito iparehistro sa nasabing tanggapan. Sapagkat kung hindi tama ang pagrerehistro, magiging hadlang para matamo ang magandang oportunidad sa hanapbuhay at pangingibang-bansa ng isang indibiduwal. We have to take note that erroneous civil registration documents will further delay the availment of primary social services and privileges like education, health, insurance benefits, among others. -Courtesy from Philippine Information Agency-Marinduque.