TORRIJOS, Marinduque — Namahagi ng pinansyal na insentibo ang pamahalaang panlalawigan ng Marinduque sa mga ‘child development worker’ (CDW) sa bayan ng Torrijos, kamakailan.
Ayon kay Gov. Presbitero Velasco, Jr. layon ng gawain na bigyang pagkilala ang malaking partisipasyon ng mga CDW sa pag-aaruga, paghubog ng kaisipan at pagkalinga sa mga batang nag-uumpisa pa lamang mag-aral.
“Ipinaabot ko ang pasasalamat sa mga masisipag na child development worker sapagkat malaki ang papel na kanilang ginagampanan sa pagsisilbi sa ating mga Day Care Children lalo na ngayong panahon ng pandemya kungsaan ay patuloy silang gumagawa ng mga learning module,” pahayag ni Velasco.
Umabot sa 42 guro sa Torrijos na nagtuturo sa mga Day Care Center ang tumanggap ng cash incentives na nagkakahalaga ng P2,000 bawat isa.
Base sa tala ng Provincial Social Worker and Development Office (PSWDO), una ng nabigyan ng insentibo ang mga CDW sa bayan ng Mogpog at Buenavista.
Inaasahan namang makatatanggap ng kaparehas na insentibo ang mga child worker sa natitira pang tatlong bayan sa darating na mga araw.
Mayroong mahigit 250 na child development worker na nagtuturo sa mga Day Care Center sa buong lalawigan.
Ang mga Day Care Center ay tumutugon sa early childhood education at development ng mga batang tatlo hanggang bago mag-limang taon. Ito rin ang nagsisilbing pangalawang tahanan ng mga bata na naghahanda bago sila tumuntong sa kindergarten. — Marinduquenews.com