BOAC, Marinduque – Upang matiyak na ligtas ang mga itinitindang delata o pork based product lalo na ang Ma Ling ay nag-inspeksiyon si Marinduque Provincial Veterinarian Dr. Josue Victoria sa mga pamilihan sa bayan ng Boac nitong Martes, Mayo 28.
Ito ay bunsod ng ‘outbreak’ ng African swine fever o ASF, isang sakit na kasalukuyang lumilipol sa populasyon ng baboy sa mga bansang China, Vietnam, Cambodia at iba pang mga karatig na lugar at teritoryo.
Sa isinagawang ‘surprise visit’ ay isang malaking pamilihan ang nakitaan ng mga produktong nabanggit na ang ‘manufacturing date’ ay nakapaloob sa petsang ipinagbabawal ng Department of Agriculture (DA).
Agad na inalis sa mga eskaparate ang mga produkto matapos kausapin ng mga opisyales ng Provincial Veterinarian Office ang pamunuan ng nasabing tindahan.
Paalala ni Victoria, “Maging mapanuri sa pagbili ng produktong ito. Lahat ng Ma Ling na may ‘production date’ matapos ang August 2018 ay hindi na pinapayagang ibenta.”
Agosto 2018 nang unang magpalabas ng pork importation ban ang DA mula sa mga bansang apektado ng African swine fever kung saan ay mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok ng mga nabanggit na produkto sa mga airport at seaport. – Marinduquenews.com