Solar Energy Systems, inilagay sa iba’t ibang bayan sa Marinduque

BOAC, Marinduque — Nagtayo ng Solar Energy System (SES) sa iba’t ibang lugar sa Marinduque ang Department of Science and Technology (DOST) kaagapay ang mga lokal na pamahalaan at eskwelahan.

Sa pakikipagtulungan ng Marinduque State College (MSC) at pamahalaang bayan ng Buenavista, nakapaglagay ng SES ang DOST-Marinduque sa dalawang mababang paaralan sa nasabing bayan: Binunga Elementary School at Libas Elementary School, na siya ring nagsisilbing evacuation centers sa lugar.

Labinglimang small scale SES din naman ang itinayo sa mga tahanan na nabibilang sa Community Empowerment through Science and Technology (CEST) sa Yook, Buenavista.

#MakeADifference: Kabayan, help us to stay up, help us to buy a video camera

Bukod pa rito ay nakapaglagay rin ng SES sa 22 barangay sa bayan ng Mogpog na nagsisilbi ring evacuation centers.

Laking pasasalamat din naman ng Department of Health-Mimaropa dahil nabigyan din ng SES ang kanilang mga Rural Health Unit (RHU) sa Brgy. Dolores, Sta. Cruz, Brgy. Bantay Boac, Brgy. Maniwaya, Sta. Cruz at Brgy. Poblacion, Buenavista.

Dahil dito, nakakapagbigay pa rin ng serbisyo ang mga RHU kahit brownout sa probinsya lalo na kapag magbibigay serbisyo sa mga manganganak ng sanggol.

Inaasahan naman na sa taong 2021 ay makapagdadagdag muli ng SES sa 15 barangay at walong eskwelahan sa lahat ng anim na bayan ng lalawigan. — PIA Mimaropa, Marinduque | Marinduquenews.com

Posted in Uncategorized
error: Content is protected !!