Natapos na ang 2nd Season ng 11th Kabataang Samahang Marinduqueno (KASAMARIN) Basketball Tournament: Marinduqueno Cup 2016, may temang “Katuwaan Laang Mandin” na isinagawa sa Manila Bulletin Gym, Intramuros, Maynila nitong Sabado, Nobyembre 26.
Sa unang quarter pa lamang ay nagpaulan na agad ng back-to-back-to-back three points si Rayos ng Team Batang Laylay na ikinagulantang ng tropa ng Team Bangiz. Ang koponan ng Team Bangiz ay ang pinagsanib na puwersa ng barangay Bangbangalon at Amoingon. Tila baga ay natulala ang Team Bangiz sa ginawang ito ni Rayos. Nang sumapit na ang second-half ay unti-unting nakahabol at natapyas ang kalamangan ng Team Batang Laylay mula 12 puntos ay naging 6 na puntos na lamang.
Dito sinamantala ng Team Bangiz ang pagkakataon. Hanggang sa sumapit na ang huling yugto ng laro ay biglang pumutok ang mainit na kamay ni Julius “The Machoman” Padilla para bagang sinaniban ni Steph Curry dahil kahit saang anggulo siya pumukol ay parang may alulod patungo sa butas ng ring ang bawat shot nito. Sinuwerte si Padilla kaya biglang nagbago ang ihip ng hangin, nakalamang na ang Team Bangiz. Bumusdi ang kalamangan sa 12 puntos sa pinagsamang kombinasyon nina Padilla, Amabuyok, De Leon at Prowel. Hanggang sumapit ang huling 30 segundo ay hindi na nakaya pang makabangon sa pagkadapa ang Team Batang Laylay. Natapos ang salpukan sa score na 79-65. Pinangunahan ni Padilla ang Team Bangiz na 20 points, 5 rebounds, 3 assists, sinundan ni Angelo Deo De Leon ng 12 points, 8 rebounds, 2 assists, 2 steals at 1 block, nagambag naman si Cuison ng 11 points at 7 rebounds, tumapyas din si Amabuyok ng 10 points at 4 rebounds, sumunod ang Season’s MVP na si Indol Ornedo ng 7 points, 7 rebounds, 2 assists at 2 steals. Nagbida naman si Rayos sa Team Batang Laylay na may 25 points, 8 rebounds at 3 assists, sumunod si Rico De Villa ng 13 points, 10 rebounds at 3 blocks, sinundan ni Mazon “The Decoy Man” Minay na 12 points, 4 rebounds at 3 steals. Si Julius Cromwell Padilla ngani pala ang nakasungkit ng Finals MVP.
Samantala, sa unang laban ay naging 3rd place naman ang Team Elite Club ng Banot, Gasan.
Narito ang iskor ng mga miyembro ng bawat koponan:
Team Bangiz (Boac): (79) Padilla 20, De Leon 12, Cuison 11, Amabuyok 10, Ornedo 7, Prowel 7, Pajanustan 5, Laceda 4, Historillo 3, Jambalos 0, Loto 0, Gaurano 0.
Team Batang Laylay (Boac): (65) Rayos 25, Rico De Villa 13, Minay 12, Rod De Villa 8, Majaba 4, Togonon 2, Mabiog 2, Galupo 0, Buenaventura 0, Mondonedo 0.