BOAC, Marinduque, Hunyo 27 (PIA) — Kaugnay ng libreng pagsasanay na ibinibigay ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), pinangunahan ng kinatawan ng Marinduque sa Kongreso at Speaker of the House of Representatives, Lord Allan Jay Q. Velasco kasama si TESDA Provincial Director Zoraida V. Amper ang sabayang pamamahagi ng mga scholarship grant certificates (SGC) kamakailan.
Ibinigay ang mga sertipiko sa lahat ng mga rehistradong Technical Vocational Institutions (TVI) at TESDA Administered Schools sa lalawigan.
Sa mensahe ni Velasco, binigyang diin nito ang mga pangmatagalang plano o long-term plan kaugnay sa imprastraktura kagaya ng pagtatayo ng airport, seaport, economic zone at pagkakaroon ng maayos na internet connections at water supply na makatutulong ng malaki lalong-lalo na sa pagpasok ng mga industriya at kumpanya sa probinsiya.
“Rome wasn’t built in a day, Marinduque cannot built in just a few years, it takes time, (Hindi naitatag ang bansang Roma sa loob ng isang araw gayundin ang Marinduque, hindi ito maitatayo sa loob ng isang taon) kaya kapag nailagay po natin ang mga kinakailangan imprastraktura, sunud-sunod na po iyan”, ani Velasco.
Aniya, kapag pumasok ang malalaking industriya sa Marinduque, mangangailangan tiyak ng iba’t ibang ‘specific skills’ kungsaan ito ang gampanin ng TVI at TESDA.
“Kayo po ang magiging ‘training arm’ ng mga industriyang ito”, dagdag ng kongresista.
Samantala sinabi ni Amper na sa pagpapatupad ng mga nabanggit na libreng pagsasanay, kailangang naaayon at alinsunod sa mga patakaran na itinakda ng ahensiya ang gagawing implementasyon. (RAMJR/PIA MIMAROPA)