Trabaho, Negosyo, at Kabuhayan Fair, isinagawa sa Marinduque

BOAC, Marinduque – Pinagsama-samang programa ng gobyerno ang inihatid ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Trade and Industry (DTI) katuwang ang iba pang ahensiya ng pamahalaan sa lalawigan ng Marinduque kamakailan.

Ito ay ang ‘Trabaho, Negosyo, Kabuhayan Fair’ na inumpisahan sa pamamagitan ng job fair at pagkonsulta sa iba’t ibang ahensya.

Sa isinagawang programa, tinuran ni Regional Director Joel Gonzales ng DOLE na hangad ng ahensya na makapagbigay ng trabaho, kabuhayan at maturuan ng pamumuhunan ang mga mamamayan sa lalawigan.

Tampok sa aktibidad ang mga seminar tungkol sa Business Mind-setting, E-Commerce at Leathercraft Skills Training.

Ayon kay Rochelle Clamor, Trade and Industry Development Specialist, matutunan ng mga kababayan sa mga seminar nila kung paano mag-negosyo at kung ano ang mga katangian ng isang negosyante, paano magagamit ang internet sa negosyo at paano makakagawa at kikita sa paggawa ng leather products gaya ng wallet, bag at iba pang katulad na produkto.

Nagkaroon ng Leathercraft Skills Training kung saan ay tinuruan ang mga dumalo sa paggawa ng leather products gaya ng wallet at bag. Photo by Erwin Penafiel/Marinduquenews.com

Kasabay ng mga seminar ang Job Fair ng DOLE-Mimaropa at ng Livelihood Manpower Development-Public Employment Service Office (LMD-PESO) ng Marinduque kung saan may 20 kumpanya (lokal at internasyunal) ang naghahanap ng mga trabahador.

Bukod dito, nagkaroon ng national competency certification sa bartending at pagmamaneho at libreng pagmamasahe ang TESDA.

Naroroon din ang PSA para aplayan ang mga dokumento tulad ng birth certificate.

Mayroon ding booth ang Social Security System, PhilHealth at ang PagIbig para sa mga mangangailangan ng kanilang serbisyo.

Dumalo sa aktibidad sina DOLE Mimaropa Regional Director Joel Gonzales, PSA Regional Director Leni Rioflorido, DTI Assistant Regional Director Rodolfo Mariposque, Marinduque Gov. Presbitero Velasco, Jr. at iba pang kawani ng nasyunal at lokal na pamahalaan. – May kasamang ulat mula kina Lyndon Plantilla, PIA at Adrian Rosales, Marinduquenews.com

Posted in Uncategorized
error: Content is protected !!