SANTA CRUZ, Marinduque – Sa isinagawang Regional Development Council (RDC) Full Council Meeting, inaprubahan ng mga miyembro ng komite ang hiling ng pamahalaang panlalawigan ng Marinduque na magtayo ng tulay sa barangay Napo sa bayan ng Santa Cruz.
Ang inaprubahang Napo Reinforced Concrete Bridge na itatayo sa nasabing barangay ay naglalayong gawing alternatibong daan sa paglikas ng mga taga-barangay Napo at Jolo sa panahon baha at iba pang sakuna.
Ayon sa iminungkahing proyekto ng lokal na pamahalaan, tinatayang aabot sa P56 milyon ang pondong gagastusin ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Ang pagkukunan ng pondo para sa proyektong ito ay magmumula sa annual investment program (AIP) ng DPWH-Mimaropa sa ilalim ng kanilang local infrastructure projects.
Base sa napagkasunduan ng RDC, ang tulay na itatayo ay may habang 50 metro. –Marinduquenews.com