TORRIJOS, Marinduque — Nakatakdang itayo sa bayan ng Torrijos ang processing facility para sa virgin coconut oil (VCO).
Ito ay matapos ipagkaloob ng Philippine Coconut Authority (PCA) sa pangunguna ni Ramon Rivera, acting regional manager for Mimaropa and Calabarzon ang P17 milyon halaga ng tseke sa mga opisyales ng pamahalaang bayan ng Torrijos sa pamumuno ni Mayor Lorna Velasco kamakailan.
Sa isinagawang ceremonial transfer of fund na may temang ‘Convergence in Coconut Farming Communities Towards Sustainable Rural Enterprise Project’ sinabi ni Rivera na ang pagpapagawa ng isang pasilidad para sa pagpo-proseso ng virgin coconut oil ay malaking tulong para sa mga magniniyog sa lalawigan.
“Sa pagtatayo ng virgin coconut processing facility sa Marinduque, hindi na lamang kopra ang magiging produkto ng ating mga magniniyog. Imagine, makakapagproduce tayo ng magandang klase ng virgin coconut oil na ayon sa ginawang pag-aaral ng Department of Science and Technology (DOST), ng aming ahensya at ng University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) ay natuklasan na maaaring makagamot sa COVID-19 at iba pang sakit na dumarating ngayon sa atin,” ani Rivera.
BASAHIN: PSWDO namahagi ng cash incentives sa mga child worker sa Torrijos
Nagpasalamat naman si Gov. Presbitero Velasco, Jr. sapagkat isa ang probinsya sa 18 lalawigan sa buong bansa at kauna-unahan sa Mimaropa na magkakaroon ng nabanggit na pasilidad.
“Ako po ay talagang natutuwa dahil nabiyayaan tayo ng ganito kagandang proyekto. Napakalaking tulong po nito sa ating mga kababayan dahil inaasahan na makapagpo-proseso ng mga produkto lalo na iyong medium-chain triglycerides na itinuturing na pinakamataas na kalidad ng VCO,” pahayag ng gobernador.
Sa pinakahuling tala ng PCA, sa kasalukuyan ay mayroong humigit 22,000 magniniyog na nagtatanim sa may 36 na ektarya ng lupa sa buong Marinduque. — Marinduquenews.com