VP Sara bumisita sa malayong barangay sa Torrijos, nagkaloob ng backpack sa mga mag-aaral

TORRIJOS, Marinduque — Labis ang tuwa ng mga residente ng isa sa pinakamalayo at bunduking komunidad sa bayan ng Torrijos — ang Barangay Talawan, matapos na sorpresang bumisita nitong Martes, Hulyo 29 ang pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa, si Vice President Sara Duterte-Carpio.

Pagkadating buhat sa Seoul, South Korea, sunod na pinuntahan ng Pangalawang Pangulo ang puso ng Pilipinas — ang lalawigan ng Marinduque. Walang engrandeng media coverage o malaking advanced party. Ang pangunahing pakay, kumustahin ang mga mamamayan at magkaloob ng mga gamit sa eskwelahan sa mga mag-aaral.

“Bumisita ako sa inyo para maging kabahagi sa pamimigay ng mga gamit pang-eskwela ng mga bata at syempre nagpapasalamat kami sa suporta ninyo,” bahagi ng pahayag ni Duterte-Carpio.

Samantala, lubos din ang kagalakan ng kapitan ng Barangay Talawan na si Ruel Macdon sa hindi inaasahang bisita na aniya ay isang malaking karangalan para sa kanilang maliit na pamayanan ang mapiling dalawin ng bise-presidente.

“Ako po ay sobrang nagpapasalamat dahil sa dami ng mga lugar sa Pilipinas ay isa kami sa inyong napiling puntahan. Sobrang nakaka-proud po, VP Sara Duterte. Welcome po sa aming munting barangay. Salamat din po former Speaker Lord Allan Jay Velasco dahil ikaw ang naging daan upang makarating [si VP Sara] dito sa aming barangay,” pahayag ni Kapitan Macdon.

“Sa dami ng pagsubok ni VP Sara at ng kanyang pamilya, nagawa pa rin n’yang puntahan ang lalawigan natin lalong lalo na ang Barangay Talawan. S’ya ang pinakaunang mataas na pinuno ng bansa na bumisita sa atin kaya makasaysayan ito para sa akin,” wika naman ni Ronald Ogbac, residente sa lugar.

Ang naturang pagdalaw ay nagpapakita ng patuloy na pakikiisa ng Pangalawang Pangulo sa mga mamamayan, lalo na sa mga malalayong komunidad sa bansa. (Larawang kuha ni Argie Galido)Marinduquenews.com