BOAC, Marinduque – Walang pasok sa trabaho at sa mga pampubliko at pribadong eskwelahan sa Marinduque ngayong darating na Martes, Hulyo 31 sapagkat ipagdiriwang ng probinsiya ang ika-118 taong anibersaryo ng makasaysayang Labanan sa Paye na may paksang Diwa ng Paye: Malasakit sa Kasaysayan, Kapayapaan at Kalikasan.
Ang Republic Act No. 9749 na nilagdaan ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong Nobyembre 10, 2009 ay nagdedeklara na special non-working holiday sa buong Marinduque tuwing ika-31 ng Hulyo ng bawat taon.
Base sa kautusan, kinikilala ng pamahalaan ang pagkapanalo ng mga kawal Pilipino sa Labanan ng Paye na itinuturing na isa sa mga bakbakan kung saan namayani ang mga kawal Pilipino sa higit na armadong mga tropang Amerikano.
“July 31 of every year is hereby declared a special nonworking holiday in the entire Province of Marinduque to commemorate the victory of Filipino revolutionists in the Battle of Paye that took place on July 31, 1900. The provincial government of Marinduque and the Municipal Government of Boac, in coordination with the National Historical Institute, shall lead appropriate and meaningful commemorative programs and activities to be participated in by officials and employees of the national, provincial and municipal government agencies and instrumentalities, and civic, religious, nongovernment, business and civil society organizations, in order to give significance and honor to the heroes and heroines of the Battle of Paye”, ayon pa sa batas.
Ang ilan sa mga gawain para sa paggunita ng Labanan sa Paye ay ang pagsasagawa ng banal na misa sa Lunes, Hulyo 30. Sa mismong kaarawan naman, Hulyo 31 ay magkakaroon ng parada mula sa Balimbing Elementary School patungo sa Sitio Paye, barangay Balimbing.
Tingnan: Mga gawain para sa pagdiriwang ng Labanan sa Paye 2018
Susundan ito ng pagpaparangal sa mga bayani ng Paye at mga mensahe mula sa iba’t ibang opisyales ng lokal na pamahalaan.
Kabilang sa mga inaasahang makikiisa sa paggunita ay sina Cong. Lord Allan Jay Velasco, Gov. Carmencita Reyes, Dr. Florida Dijan-Regional Director ng Department of Interior and Local Government-Mimaropa Region, Dr. Randy Nobleza bilang panauhing pandangal at Boac Mayor Roberto Madla. –Marinduquenews.com