GASAN, Marinduque – Anim na araw na lamang ang bubunuin at matatapos na ang 10-araw na ginagawang paglilinis sa harapan ng kanilang mga bakuran nang may humigit 250 residente ng Barangay Mahunig at Banot sa bayan ng Gasan, Marinduque.
Ang mga barangay na ito ay ilan lamang sa mga napabilang na ‘barangay beneficiaries’ sa programa ng Department of Labor and Employment (DOLE) na Tulong Panghanapbuhay sa ating Displaced/Disadvantaged Workers – Barangay Ko, Bahay Ko (TUPAD-BKBK) sa ilalim ng supplemental fund ni Assistant Majority Leader at ACT-CIS Partylist Rep. Rowena Taduran.
Ayon kay Karin An De Villena, Kapitan ng Barangay Banot, maswerte sila sapagkat isa ang kanilang barangay na napili sa nasabing programa.
“Buong puso akong nagpapasalamat sampu na aking mga kabarangay kay Cong. Niña Taduran at sa DOLE-Marinduque sa pagtulong nila sa amin. Napakalaking tulong nito lalong-lalo na ngayong panahon ng COVID-19 upang matugunan ang pangangailangan ng aming pamayanan,” pahayag ni De Villena.
Kapag nakumpleto na ang sampung araw na pagtatrabaho, tatanggap ng sahod na nagkakahalaga ng P320 kada araw o may kabuuang P3,200 ang mga napiling benepisyaryo.
Ang nasabing mga benepisyaryo ay pinaglilinis sa harapan ng kanilang mga bakuran kasama na ang pagdisinfect ng mga kanal gayundin ang paglilinis sa aplaya o baybaying dagat.
Nilinaw naman ni Kapitan Lina Du ng Barangay Mahunig na patuloy pa rin nilang isinasaalang-alang ang physical distancing at palagiang pagsusuot ng face mask kapag isinagawa ang nabanggit na mga gampanin. (RAMJR/PIA-Mimaropa)