TORRIJOS, Marinduque — Namigay ng mga alagaing baboy ang pamahalaang panlalawigan ng Marinduque sa mga farmers cooperative kamakailan.
Umabot sa 498 na inahing baboy ang ipinamahagi ng Provincial Veterinary Office (PVO) sa mga kwalipikadong magsasaka na miyembro ng kooperatiba sa mga bayan ng Boac, Buenavista, Santa Cruz at Torrijos.
Ayon kay Dr. Josue Victoria, provincial veterinary officer layon ng programa na maparami ang bilang ng mga baboy gayundin ang mga nag-aalaga nito sa probinsya.
Dagdag pa ng panlalawigang beterinaryo, native na baboy ang pinili ng mga benepisyaryo dahil karamihan sa kanila ay gustong makapag-alaga ng baboy subalit walang sapat na puhunan para ipambili ng commercial feeds.
Aniya, bukod kasi sa mga native na baboy ay nakatakda ring mamahagi nang humigit 500 hybrid na alagaing baboy ang Marinduque LGU.
Sa ilalim ng Breeder Animal Dispersal program ng pamahalaang panlalawigan na pinangangasiwaan ng PVO, pwedeng makatanggap ang isang indibidwal ng nabanggit na mga alagaing hayop kung ito ay kabilang sa isang kooperatiba na binubuo ng mga magsasaka.
Samantala, maaari ring mabigyan ang ordinaryong mamamayan kung hindi pa ito nakatatangap ng anumang kaparehas na ayuda o tulong mula sa nasyunal na pamahalaan. — Marinduquenews.com