GASAN, Marinduque — Isinagawa kamakailan ang groundbreaking ceremony ng itatayong Child Development Center sa Barangay Bachao Ilaya, Gasan, Marinduque.
Ito ay naisakatuparan dahil sa pakikipatulungan ng Sangguniang Barangay ng Bachao Ilaya, pamahalaang bayan at ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS), isang programa ng pamahalaang nasyunal na ipinatutupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang konstruksyon ng nasabing gusali na nagkakahalaga ng P2,578,784.36 ay naglalayong matulungan ang komunidad partikular ang mga pamilyang may anak na mula 0-5 taong gulang para mabigyan ang mga ito ng sapat na pag-aalaga.
Dumalo sa aktibidad sina Vice Mayor Lidany Lao-Baldo, Jomari Sore bilang kinatawan ni Mayor Rolando Tolentino, Bernadeth Enriquez mula sa KALAHI-CIDSS at iba pang opisyal kasama ang mga mamamayan ng nasabing barangay.
Sa mensahe ni Sore ay ipinaabot niya ang pasasalamat sa ahensya at sa KALAHI-CIDDS dahil sa paglalaan ng pondo para makapagtayo ng child development center sa kanilang bayan. Dagdag niya, ito ay bahagi ng katuparan ng lokal na pamahalaan upang mas matutukan ang mga kabataan.
Samantala, nakatakdang matapos ang konstruksyon ng pasilidad sa Pebrero 2024 at aasahang magkakaroon ng pormal na turn-over sa Gasan LGU. — Marinduquenews.com