TORRIJOS, Marinduque — Himalang nakaligtas ang apat na katao na sakay ng isang truck matapos itong mahulog sa malalim na bangin sa Barangay Pakaskasan, Torrijos umaga ng Linggo, Agosto 3.
Ayon kay Roberto Macdon, hepe ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), nangyari ang insidente bandang 9:36 ng umaga habang binabagtas ng sasakyan ang pababang bahagi ng kalsada ay nawalan ito ng preno.
Apat ang sakay ng naturang sasakyan, kabilang ang isang menor de edad at mga pahinante. Dalawa sa kanila ang nagtamo ng minor injuries, habang ang iba naman ay ligtas at walang sugat.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan mula sa Barangay Pakaskasan, MDRRMO, Torrijos Municipal Police Station, Bureau of Fire Protection at Rural Health Unit upang magbigay ng paunang lunas. Sa kasalukuyan, nasa maayos na kalagayan na ang lahat ng sangkot sa insidente.
Wasak ang truck at tumilapon ang humigit 80 sako ng copra sa paligid ng bangin. Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng insidente. — Marinduquenews.com