SANTA CRUZ, Marinduque – Sa isinagawang 1st General Consultative Conference of Baybayin ng Marinduque State College (MSC) sa Carmen Eco-Tourism Park, Tamayo, Santa Cruz, Marinduque, sinabi ni Dr. Randy Nobleza, propesor ng MSC na malaki ang maitutulong nito sa pag-unlad ng lalawigan.
Ayon kay Nobleza, makakamit ang pag-unlad ng Marinduque kung malalaman nito ang lakas at kakayahan ng bawat bayan ng lalawigan lalo na sa larangan ng edukasyon.
“Dahil 2017 ngayon na [ipinagdiriwang ang] ika-65 pagkakatatag ng eskwelahan na ito, simula sa pagiging School of Arts and Trade na naging Institute of Science and Technology at sa hinaharap ay [magiging] island state university, ay makikita natin ang pag-unlad ng isang lalawigan kung uunlad din ang antas ng edukasyon kung saan inaasahan [din] na ang mga eskwelahan sa Pilipinas ay maging research university maliban sa pagiging isang teaching college”, sabi ni Nobleza.
“Alam naman natin na ang Pilipinas ay binubuo ng iba’t-ibang pulo kaya dapat kilalanin natin kung saan tayo malakas at magaling. At sa aking palagay ay kung makakukuha tayo ng niche at sariling market ay pwede tayong maging maunlad”, dagdag pa niya.
Saklaw din ng komperensya sa pananaliksik na ito ang pagsasarili o otonomiya ng lalawigan lalo na sa konteksto ng federalismo at ASEAN integration.
“Medyo exciting kung ano ang mangyayari sa susunond na tatlo o apat na taon kasi sa 2019 ay boboto tayo ng plebisito kung kailan magiging federal government ang format o balangkas ng pamamahala.”
Nasasakop din ng presentasyon ng pananaliksik ng mga tagapahayag ang religious studies and education, cultural heritage, gender and language at pop culture and technology.
Kabilang sa mga pamantasan na nakiisa sa komperensyang ito ay mga nagmula sa rehiyon ng Calabarzon at Mimaropa at iba pang lugar gaya ng University of the Philippines-Diliman, University of the Philippines-Baguio, University of the Philippines-Los Banos, De La Salle-Dasmarinas, De La Salle-Lipa, De La Salle University, Palompon Institute of Technology, National University at University of San Carlos.