Maraming kabataan ang sumama sa mahabang paglalakbay tungo sa pagkamit ng kalayaan. Sila’y naging mandirigma ng sultan at mga datu, sila’y naging rebulusyonaryo at naging sundalo.
Sa kasalukuyan, ang pagpapangalaga sa kalayaan ay hindi na nangangailangan ng paghahandog ng buhay kundi ng paglalaan ng panahon para makalahok sa demokratikong proseso.
Si Von ay isa sa mga lider-kabataang Marinduqueno, dating pangulo ng Marinduque State College Laboratory Supreme Student Government, dating patnugot ng MSC Pyparus at isa sa mga opisyal sa kanilang chapter ng Boys Scout of the Philippines.
Si Von Andre Preclaro Orlina ay may sariling pamamaraan ng pagpapahayag ng pagmamahal sa Inang Bayan.
Salaysay ni Von
Ang pagiging makabayan ay isa sa mga pagpapahalaga na itinuro sa atin simula pagkabata. Sa araw-araw na pagpasok sa paaralan ay binibigkas natin ang Panunumpa ng Katapatan sa Watawat ng Pilipinas na may bahagi na nagsasabing, ‘…na ipinakikilos ng sambayanang MakaDiyos, Makakalikasan, Makatao at Makabansa’. Sa kabila ng araw-araw na pagbigkas nito, naisasagawa nga ba natin ang pagpapahalaga sa bansa?
Marahil pagiging makabayan ang isa sa pinakamahalagang pagpapahalaga na dapat nating matutunan, ngunit bakit mahirap maipakita ang simpleng pagpapahalagang ito na ngayo’y nagiging hamon?
Nararapat bang maging hamon ang simpleng pakikisapi sa pagtataas ng bandila ng bansa, gayong responsibilidad ito na dapat sundin ng mga Pilipino? Hamon nga ba na dapat ituring ang saglit na pagtindig ng maayos at pagkanta ng saglit, gayong ang kantang ito ang isa sa mga naging pundasyon at simbolo ng kalayaan natin ngayon? Ngunit hindi nagtatapos ang pagiging makabayan sa simpleng pakikisapi sa pagtataas ng watawat.
Ang pagiging makabayan ay isinasapuso at hinihirang bilang isang likas na kaugaliang Pilipino. Nararapat lamang na tayong mga kabataan ay makisapi sa mga gawain ng ating pamahalaan. Maki-alam tayo sa mga pambansang suliranin at ipahayag ang ideya at pulso ng kabataan na magiging salamin at boses ng nakararami.
Isa pa ay ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman sa mga batas na dapat sundin at gawin. Ang pagiging makabayan ay makikita rin sa pag-aaral ng Araling Panlipunan at ang pagkakaroon ng malawak na interes sa nakagisnan nating bansa kasama na ang mga pagpapahalagang kultural. Sa taong 2025 ay haharap na tayo sa isang mundo na ganap na ang globalisasyon. Unti-unti na tayong nagiging pamilyar at naisasagawa ang mga kultura ng iba’t-ibang bansa.
Ngunit sa kabila nito ay mayroon tayong responsibilidad na ibida sa buong mundo kung ano ang Pilipino at kung ano ang Pilipinas. Maging daan sana ang globalisasyon hindi upang malimutan ang sariling bayan, kundi mas ipagmalaki pa ang taglay nating pagkamakabayan. – Marinduquenews.com