Bokal Aguirre, nilinaw ang isyu sa pagitan nila ni Mayor Red

SANTA CRUZ, Marinduque – Nilinaw ni 2nd District Board Member Amelia Aguirre ang mga paratang ng isang fake blogsite tungkol sa isyu nila ni Santa Cruz Mayor Marissa Red na may kaugnayan din sa pagde-develop ng Santa Cruz Public Market.

Ayon sa pahayag ni Aguirre, “Ilang araw po bago ang Semana Santa, isang Facebook Account, Balitang Marinduque na may website na balitangmarinduque.com, ang nagpost ng pictures namin ni Mayor Marissa Red at pinapalabas na tila kami ay nag-aaway. Pinapalabas na ako’y nagbitiw ng hindi magandang mga salita laban kay Mayor Red.

#MakeADifference: Kabayan, help us to stay up, help us to buy a video camera

Ito po ay walang katotohanan. Bilang kapwa ko naglilingkod sa pamahalaan, maaring hindi sa lahat ng oras ay nagkakapareho ang aming mga opisyal na posisyon at pananaw subalit bilang responsableng opisyal ng lalawigan, ginagalang ko po ang kapangyarihan at karapatan ng bawat isa, gayon din ang pagpapahayag sa tamang lugar at pamamaraan. Kaya po, ako ay labis na nalulungkot, na ang aking pangalan ay tila malisyosong ginamit upang siraan ang isang kapwa ko opisyal sa panahon pa naman ng Semana Santa na ang diwa ay dapat pagmamahalan at hindi pag-aawayan.”

Dagdag pa ni Aguirre, “Ako po ay umaapela sa ating mga kababayan na maging mapanuri sa ating mga nababasa sa Social Media. At sa mga gumagamit ng Social Media para maghasik ng kaguluhan sa pamamagitan ng maling impormasyon at panloloko sa ating mga kababayan. Patawarin nawa kayo ng Diyos sa ginagawa ninyo. Puwede kayong magtago sa likod ng mga bogus accounts na parang totoo pero hindi sa mata ng Panginoon.”

Ilan sa mga Pangunahing Palatandaan na Peke ang Isang News Article at Portal

1) Hindi nakalathala ang Editorial Staff at Contact Details sa website.
2) Walang About Page o pahina kung saan makikita o mababasa ang organization o company overview.
3) Karaniwang naglalathala ng mga malisyoso at walang basehang artikulo.
4) Puro capital letters at may mga exclamation point (!!!) ang titulo ng mga artikulo.

Palatandaan na peke or fake ang isang news article. Screengrabbed from Balitangmarinduque.com

Paalala ng mga awtoridad, kapag nakakita ng pekeng balita, huwag nang i-share para hindi kumalat. At kung isi-share, lagyan ng komento na magbibigay babala sa iba na peke ang naturang balita. Marinduquenews.com

Posted in Uncategorized
error: Content is protected !!