TORRIJOS, Marinduque – Naging matagumpay ang isinagawang medical and dental missions sa Marinduque sa tulong ng Club Marinduqueno, Inc. (CMI), isang samahan ng mga Marinduqueno na nakabase sa Metro Manila na naitatag noong 1991 na may layuning matulungan ang kapwa kababayang nangangailangan ng atensyong medical at dental.
Ang unang araw ng medical mission ay isinagawa nitong Biyernes, Hunyo 23 sa barangay hall ng Argao, bayan ng Mogpog samantalang ang ikalawang araw ng aktibidad ay isinagawa nitong Sabado, Hunyo 24 sa barangay hall ng Matuyatuya sa bayan naman ng Torrijos.
Daan-daang mamamayan ang nakinabang sa taunang libreng medikal, dental at optikal ng grupo.
Ang mission team ay pinangunahan ni Enrico Sevilla, acting president at chairman ng CMI Medical and Dental Missions 2017 katuwang ang mga volunteers mula sa Free and Accepted Masons of the Philippines na sina Dr. Allan Bontuyan, Dr. Melito Villar, Jr., Dr. Nova Comia Talagtag, Manolo Cenido, Kathleen Magno at Grace Bernadette Tee.
Bukod sa naturang mga serbisyo ay tumanggap din ng libreng gamot at eye glasses ang taong bayan partikular na ang mga mahihirap na mamamayan.
“Lubos ang aking pasasalamat sa bumubuo ng Club Marinduqueno, Inc. sapagkat ang Barangay Argao ang mapalad na napili ng CMI upang dito ganapin ang kanilang Medical and Dental Missions na sa aking tanda ay limang taon na ang nakalilipas nang may magsagawa ng kahalintulad na gawain dito sa aming lugar”, madamdaming pahayag ni Barangay Captain Bonifacio Subil, Sr.
Read also: CMI celebrates 25 years of caring and sharing with fellow Marinduquenos
Naging masaya naman ang bawat mamamayang tumugon sa nasabing programa kasabay ng kahilingang sana ay hindi ito ang maging huling pagkakataon na magkapagbigay ng serbisyo ang grupo sa kanilang lugar.
Author: Romeo Mataac, Jr. serves as Corporate Secretary of Club Marinduqueno, Inc. | Photo courtesy of William Sta. Clara