BOAC, Marinduque – Isinagawa ng Department of Trade and Industry (DTI) Marinduque ang kanilang 2017 Consumer Congress sa Marinduque State College na may temang Consumer Rights in the Digital Age.
Sa congress na ito ay ipinaliwanag ni Carlina B. Josue ng Consumer Protection and Advocacy Bureau ang consumer organization sa mga negosyante.
Ayon kay Josue, ang consumer organization ay kinikilala upang matiyak na ang sektor ng mamimili ay mahusay na kinakatawan ng mga lehitimong organisasyon sa mga pagdinig at pagsisiyasat sa paggawa ng patakaran ng pamamahala. Dagdag pa niya, layunin din nito na maprotektahan ang mga mamimili laban sa mapanlinlang, di-makatarungan at walang pakundangang pagkilos at gawi sa kalakalan at iba pang mga kilos na nakapipinsala sa interes ng mga mamimili.
Bukod pa rito ay ipinaliwanag din ni Maria Celeste J. Miciano sa mga negosyante ang Fair Trade Laws and Consumer Complaints Handling. Aniya kung mayroong mga reklamo na nais iparating sa tanggapan, maaaring magpadala ng liham ang kinatawan kay Atty. Joseph Manuel P. Pamittan, Mediation Division ng DTI-Fair Trade Enforcement Bureau (FTEB) sa UPRC Building 315 Sen. Gil J. Puyat Ave.,1200 Makati City kung saan ay nakalakip dito ang pangalan ng nagrereklamo, tirahan, cellphone number, pagsasalaysay ng sumbong, suhestiyon, scanned transaction at identification card (ID) mula sa anumang ahensya ng pamahalaan o maaari ring i-download ang complain form sa DTI website at ipadala ito sa ftebmediation@dti.gov.ph.
Makikita rin sa website ng DTI ang mga halimbawa ng mga maaaring ireklamo kung saan katabi nito ang mga ahensya na maaaring makatulong sa kanila sa oras ng pangangailangan ng gabay at pang-unawa.
Kasabay rin nito ay ginawaran ng parangal ng DTI ang R.C Dy Construction and Supply bilang Bagwis Bronze Seal awardee at pinangaralan naman bilang Bagwis Silver Seal awardee ang Puregold Price Club, Inc.
Ang DTI-Bagwis Program ay nagbibigay ng angkop na pagkilala sa mga establisyemento na nagtataguyod sa mga karapatan ng mga mamimili habang nagsasagawa ng responsableng negosyo kung saan ang mga mamimili ay natatamo ang kalidad ng kanilang produkto at serbisyo.
Bukas ang patimpalak na ito sa mga retail establishment gaya ng supermarkets, department stores & specialty stores, appliance centers, hardware stores at DTI accredited service and repair shops.