BOAC, Marinduque — Isang delivery truck ang ipinagkaloob ng Marinduque Provincial Agrarian Reform Office (PARO) sa Tanikala ng Pagkakaisa Multi-Purpose Cooperative (MPC) kamakailan.
Sa isinagawang ribbon-cutting at turnover ceremony sa Barangay Tanza, Boac na pinangunahan nina Boac Mayor Armi Carrion, OIC-Provincial Agrarian Reform Officer Emma Garniel at Engr. Virgilio Laggui, Chief Agrarian Reform Program Officer ng PARO-Beneficiaries Development Division na sinaksihan ni PIA-Marinduque Information Officer Romeo Mataac, Jr. malugod na tinaggap ni Pacifico Mabato, chairman ng Tanikala ng Pagkakaisa MPC ang nasabing brand new Isuzu delivery truck.
Ayon kay Engr. Laggui, natutuwa ang kanilang tanggapan sapagkat sa kauna-unahang pagkakataon ay nakapagbigay ng ganito kalaki at kagandang sasakyan ang DAR-Marinduque sa isang Agrarian Reform Beneficiary Organization (ARBO).
Aniya, ang naturang sasakyan ay nagkakahalaga ng P1.6 milyon na pinondohan ng DAR-Central Office.
“Alam naman po natin na napakamahal ng renta ng sasakyan sa pagbibiyahe ng mga gulay o buhay na baboy at iba pang livestock animal mula sa ating probinsya patungo sa Metro Manila o karatig probinsya kaya napakalaki po ng maitutulong nito sa ating mga benepisyaryo para maihatid ang kanilang mga produkto sa merkado”, pahayag ni Laggui.
Lubos naman ang pasasalamat ng mga miyembro ng Tanikala ng Pagkakaisa MPC sa Kagawaran ng Repormang Pansakahan sapagkat sila ang napili na mabigyan ng bagong sasakyan.
“Paano pa po kaya namin pasasalamatan ang DAR? Sa simula’t simula pa ay ang DAR na po ang tumulong sa amin para mabuo ang aming organisasyon. Hanggang sa ngayon ay patuloy pa rin po ang interbensyon nila sa aming grupo. Lubha po naming kailangan ang sasakyang ito dahil dito po isasakay ang mga baboy na ibebenta sa Maynila kaya malaki pong kaluwagan para sa amin ang tulong na ito”, ani Mabato.
Ang Tanikla ng Pagkakaisa Multi-Purpose Cooperative ay isang ARBO ng Department of Agrarian Reform sa Marinduque na naitatag taong 2006. Mayroon itong humigít 1000 na miyembro at itinuturing na isa sa mga matagumpay na kooperatiba sa probinsya. Noong 2014 ay itinanghal itong kampeon bilang ‘Best Technopreneurs sa Non-Core category sa buong rehiyon ng Mimaropa. — Marinduquenews.com