BOAC, Marinduque – Pumanaw na ang dating alkalde ng bayan ng Boac na si Meynardo Solomon o mas kilala sa tawag na Mayor Bongyat.
Binawian ng buhay si Solomon nitong Miyerkules, Disyembre 5 sa Lung Center Hospital sa East Avenue, Quezon City sa gulang na 69 sanhi ng sakit na lung cancer.
“Mas okay na iyon para hindi na rin siya nahihirapan. I know papa just wants the best for everyone, especially for his family as he has always been”, bahagi ng pahayag sa Marinduque News ni Boac councilor Benjamin Solomon, anak ng dating mayor.
Sa kasalukuyan ay nakaburol ang mga labi ni Ex-Mayor Solomon sa Sanctuarium sa Araneta Avenue, Quezon City at mananatili roon hanggang Disyembre 9. Inaasahan na dadalhin ang kanyang mga labi sa Marinduque, umaga ng Lunes, Disyembre 10.
Naging alkalde ng munisipalidad ng Boac si Mayor Bongyat taong 2004 hanggang 2010. Siya ang pangdalamput’ walong alkalde at itinuturing na magaling na lider ng nasabing bayan dahil sa kanyang ‘zero corruption advocates’ at Lakas ng Barangay Program.
Bumuhos naman sa Social Media ang pagpapaabot ng pakikidalahamti para sa pamilya na naulila ni Mayor Bongyat. –Marinduquenews.com
Editor’s Note: Marinduque News would like to extend its sincerest condolences to the bereaved family of Former Mayor Meynardo Solomon.