TORRIJOS, Marinduque — Pormal nang ipinagkaloob ng mga opisyal ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang bagong gawang Ginger Candy Processing Center sa mga miyembro ng isang kooperatiba sa Brgy. Maranlig, Torrijos, Marinduque.
Pinangunahan ni Engr. Virgilio Laggui, OIC-Provincial Agrarian Reform Program Officer ng DAR-Marinduque, ang pagpapasinaya at pagkakaloob ng naturang establisyemento sa mga bumubuo ng Maranlig CARP Beneficiaries Agricultural Cooperative o MACABACO.
Ayon kay Laggui, ang proyekto ay nabuo at pinondohan sa ilalim ng Village Level Farm-Focused Enterprise Development (VLFED) ng ahensya na may layuning mapabuti ang kabuhayan ng mga agrarian reform beneficiaries (ARBs).
Hangad din ng VLFED na matulungan ang mga ARB na makagawa ng mga produkto mula sa sariling ani ng mga magsasaka para may dagdag na kita habang patuloy na nagbibigay ang kagawaran ng pagsasanay, karagdagang imprastraktura at kaalaman sa pagpapayabong ng negosyo ng mga benepisyaryo.
Inaasahan ng DAR na sa pamamagitan ng paglilipat ng pamamahala nang pagawaan ng ginger candy sa MACABACO ay mas lalo pang mapalalakas at mapa-uunlad ang lokal na agrikultura lalo’t higit ang buhay ng mga magsasaka sa kanayunan.
Ang MACABACO na kilalang paggawaan ng ginger candy sa bayan ng Torrijos ay lumipat mula sa pagiging asosasyon tungo sa isang ganap na kooperatiba noong 2020 sa tulong at gabay ng Marinduque Agrarian Reform Office. — Marinduquenews.com