BUENAVISTA, Marinduque — Nasa 1,700 na mga residente ang makikinabang sa bagong gawang multi-purpose building sa Barangay Sihi sa bayan ng Buenavista, Marinduque.
Ito ay matapos bendisyunan at pormal na pasinayaan kamakailan ang nasabing istruktura na pinangunahan ni Cong. Lord Allan Jay Velasco kasama ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan at sangguniang barangay.
Ayon kay Kapitan Dante Marinduque, napakalaking tulong para sa kanilang pamayanan ang magkaroon ng konkretong multi-purpose building sapagkat hindi na sila mag-aalalang mabasa ng ulan kapag may aktibidad ang barangay dahil may bubong na ang kanilang pook-tipunan.
“Lagi po kasing tumatapat na masama ang panahon o umuulan kapag pyesta rito sa aming barangay kaya napakalaking pasasalamat namin kay Cong. Velasco at sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa paglalaan ng pondo para maitayo itong aming multi-purpose building,” wika ni Marinduque.
Dagdag pa ng punong barangay, solar powered ang kanilang multi-purpose building kaya walang problema sa tuwing nawawalan ng suplay ng kuryente sa lugar. Sa ganitong paraan din aniya ay tuluy-tuloy ang kanilang serbisyo publiko lalo na kung may kalamidad.
Sinabi naman ni Sangguniang Kabataan Chairperson John Ralph Fellizar na higit 300 na mga kabataan sa kanilang komunidad ang magkakaroon ng pagkatataong magamit ang multi-purpose building.
“Nagsisilbi rin pong dausan ng mga palaro kagaya ng basketball at volleyball ang aming multi-purpose building kaya tuwang tuwa po ang mga kabataan dito sa amin dahil hindi na po kami naaarawan,” pahayag ni Fellizar.
Base sa ulat ng DPWH-Marinduque Engineering Office, aabot sa P6,304,744.18 ang halaga ng pondong inilaan dito ng gobyerno sa ilalim ng Regular Infrastructure General Appropriations Act of 2022 kung saan ay ang A. M Canete Construction and Trading ang nagsilbing kontraktor ng proyekto. — Marinduquenews.com