BOAC, Marinduque – Ngayong Pebrero 2020 ay ipagdiriwang ang ika-100 taong pagkakatatag ng Marinduque.
Hangad ng pagdiriwang na ito na gunitain ang pagsasarili ng probinsya mula sa lalawigan ng Quezon na noon ay Tayabas.
Dahil dito ay magiging kaabang-abang ang mga programa ng pamahalaang panlalawigan para sa selebrasyon ng sentenaryo nito.
Hulyo 25 ng maglabas ng executive order si Marinduque Gov. Presbitero Velasco, Jr. na nag-aatas na bumuo ng ‘Centennial Committee’ na mangangasiwa sa pinakahihintay na malaking okasyon.
Narito ang ‘Schedule of Proposed Centennial Activities’:
Marinduque-100-Year_Schedule-of-Proposed-Centennial-Activities-2020Samantala, nakatakdang gawin ang Street Dancing Competition sa Pebrero 21, 2020.
Hinggil dito, kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang Centennial Committee sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA) para sa pagsasagawa ng mga de-kalidad na festivals na magsusulong ng sariling kultura at kasaysayan ng lalawigan.
Inaasahang magkakaroon ng ‘resource persons’ at trainors mula sa komisyon na ang magsasanay sa mga lokal na ‘choreographers’ mula sa anim na bayan ng Marinduque. Ito ay magaganap sa buwan ng Nobyembre 2019, at ang anunsiyo tungkol dito ay isasagawa ngayong buwan ng Oktubre.
Gayundin, kung walang magiging pagbabago, ang inaasahang ‘festival entry’ ng bawat bayan ay ang mga sumusunod: Bila-Bila Festival (Boac), Gasang-Gasang Festival (Gasan), Tubaan Festival (Buenavista), Litson Festival (Torrijos), Ati-Atihan Festival (Santa Cruz), at Kangga Festival (Mogpog).
Downloadable Materials:
(a) Marinduque Centennial Song Writing Competition 2020 Mechanics
(b) Marinduque @ 100: Schedule of Proposed Centennial Activities
(c) Application and Guidelines for Marinduque Centennial King & Queen 2019
Editor’s Note:
Ang Marinduque News ang official social media at local news partner ng Marinduque Centennial Year 2020. Maaaring gawing ‘interactive’ ang live blog na ito upang ipaabot sa Centennial Committee ang inyong mga katanungan.
Ang mga kinakailangang materyales sa iba’t-ibang patimpalak at gawain ay ilalathala sa website na ito.