BOAC, Marinduque – Sobrang lungkot at pagkahabag ang naramdaman ni Department of Agriculture (DA) Secretary Emmanuel F. Piñol sa mga magsasaka at mangingisda ng Marinduque nang makita niya ang iniwang pagkasira sa agrikultura ng lalawigan dulot ng bagyong Nina.
Sa kanyang pahayag sa isinagawang programa na “Tapatan: Gobyerno at Mamamayan, Dialogue with Farmers and Fisherfolks and Ceremonial Turn-Over of Agricultural and Fishery Inventions na ginanap sa Provincial Convention Center”, ipinaabot niya ang kanyang pagkahabag sa mga kapwa niya magsasaka at mangingisda dahil kulang sa pagbibigay-pansin ang media sa kapinsalaang iniwan ng nagdaang bagyo sa probinsya ng Marinduque.
Ayon kay Piñol, sa kanyang pagtataya ay mas malaki ang kapinsalaan sa mga pananim sa Marinduque lalo na sa sektor ng sagingan kumpara sa nakita niyang pinsala sa Camarines Sur na binisita niya rin kamakailan.
Ayon sa huling tala na ipinadala ng Provincial Agriculture’s Office (PAO) – Marinduque sa Provincial Risk Reduction Management Office, umabot na sa Php 1.5 bilyon ang tinatayang halaga ng pinsala sa mga pananim ng mga magsasaka at nangunguna rito na lubusang binayo ng bagyo ang buong taniman ng saging sa lawak na 5,162 ektaryang lupain sa buong probinsiya na pumapatak sa Php 1.3 bilyon ang halaga ng lahat ng mga punong nawasak. Tinataya namang pumalo na sa Php 3.7 milyon ang ikinalugi ng mga magsasaka sa kanilang mga alagang manok, baboy, baka, kalabaw, kambing at kabayo mula sa huling kalkula ng Provincial Veterinary Office (PVetO) noong nakaraang Lunes at sinasabing Php 4.0 milyon naman ang ikinalugi sa sektor ng pangisdaan.
Kaya naman sa pagbisita ng kalihim ay nagbigay ang kagawaran ng rehabilitation assistance fund sa bawat bayan ng Marinduque upang matugunan ang pangangailan ng mga magsasaka at mangingisda: ipagkakaloob ang 4,000 piraso ng coffee seedlings sa anim (6) na munisipalidad; 11,000 piraso ng cacao seedlings para sa bayan ng Boac at 9,000 piraso naman para sa mga bayan ng Mogpog, Sta. Cruz, Torrijos, Buenavista at Gasan.
Nakatangggap din ang Provincial Local Government Unit sa pamamagitan ni Gov. Carmencita Reyes ng nagkakahalagang Php 3,136,000.00 na binubuo ng dalawampu’t limang upgraded dairy goats, isanlibong bags ng certified palay seeds, limampung bags ng hybrid corn seeds, apatnapung kilo ng assorted vegetable seeds, anim na libong piraso ng coffee seedlings at siyam na libong piraso ng cacao seedlings. Maging ang Provincial Veterinary Office ay nabigyan din ng drugs and biological products assistance na nagkakahalaga ng Php 35,376.00 para sa mga domestic animals na kaagapay ng mga magsasaka sa kabukiran.
Bukod pa rito ay ipinamahagi rin ni Sec. Piñol ang limampung motor ng bangka, limampung lambat at sampung handlines para sa mga mangingisdang naapektuhan ng nagdaang bagyo. Nangako rin ang kalihim na magpapadala ng limampung fiber-glass boat sa bawat bayan kung saan ang bawat isang bangka ay magiging pagmamay-ari ng dalawang pamilya. Magpapadala rin ang nasabing ahensya ng boat molder na kung saan ay mga mangingisda na ang maghuhulma ng kanilang ninanais na maging bangka.
Bago magpaalam ang kalihim, nais niyang matandaan ng bawat Marinduqueño na ang ika-4 ng Enero ang simula ng pagsikat ng bagong umaga sa lalawigan ng Marinduque.