BOAC, Marinduque – Muling nakapagtala ng panibagong kaso ng coronavirus disease 2019 o COVID-19 ang bayan ng Boac nitong Miyerkules, Setyembre 7.
Ayon kay Dr. Joselito G. Awat, municipal health officer, ang dalawang nagpositibo sa COVID-19 ay mag-ama na nagmula sa Barangay Lupac.
“Malungkot po naming ipinagbibigay alam sa lahat na mayroong dalawang mamamayan mula sa ating bayan ang kumpirmadong nagpositibo sa COVID-19. Sila po ay mula sa Barangay Lupac, Boac at parehong lalaki”, bahagi ng opisyal na pahayag ni Mayor Armi DC. Carrion na binasa sa publiko ni Dr. Awat.
Aniya, si Marinduque Patient No. 17 ay 28 anyos, isang authorized person outside residence (APOR) at nagbiyahe sa labas ng probinsya noong Agosto 13 hanggang Agosto 17. Nakitaan ito ng sintomas noong Agosto 28.
Samantala, si Marinduque Patient No. 18 naman ay edad 57, tatay ni Patient No. 17 at isa ring APOR. Ito ay nagmula sa Bacoor, Cavite at dumating sa Marinduque noong Agosto 21 at nakitaan ng sintomas noong Agosto 25.
Ang mag-ama ay sumailalim sa reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) test noong Setyembre 2 at lumabas ang resulta na nagku-kumpirmang positibo sila sa COVID-19 noong Setyembre 6.
Nilinaw naman ni Dr. Gerardo Caballes, provincial health officer na base sa ginawang pag-aanalisa ng kanilang tanggapan ay posibleng nahawa ni Patient No. 18 si Patient No. 17.
Naka-isolate na sa Regional Evacuation Center, Provincial Capitol Compound, Santol, Boac ang dalawa simula pa noong Setyembre 5. Pinayuhan na rin na mag-home quarantine ang buong pamilya ng nasabing mga pasyente.
Ang Provincial at Boac Municipal Health Office ay kasalukuyan ng nagsasagawa ng contact tracing sa mga direkta at posibleng nakasalamuha ng mag-ama.
Sa ngayon, mayroon ng kabuuang 18 kaso ng COVID-19 sa buong Marinduque at anim dito ang active cases. – Marinduquenews.com