Sa isinagawang Provincial Peace and Order Council (PPOC) meeting nitong Hunyo 6 na idinaos sa Old Session Hall, Capitol Compound, Boac, Marinduque ay masayang ibinalita ni Provincial Director Police Supt. Alessandro C. Abella na ang Marinduque ay isa pa rin sa pinakatahimik na probinsya sa buong bansa. Katunayan, bumaba ang monthly crime rate sa lalawigan sa 19.6% mula sa dating 22.5%.
Ang nasabing pagpupulong ay dinaluhan nina Provincial Administrator Baron Jose Lagran, Bise Gobernador Romulo Bacorro, Jr. gayundin ng mga kinatawan ng local government units at ilang stakeholders.
Idinagdag din ni Abella na maayos na naisagawa ang Balik Eskwela Program ng Department of Education (DepEd) at PNP-Marinduque. Wala umanong ‘untoward incidents’ na nangyari sa muling pagbubukas ng mga paaralan.
Samantala, pinasalamatan ni Lagran ang PNP Provincial Office dahil sa pagbaba ng crime rate sa Marinduque na ayon kay Abella ay dahil na rin sa Oplan Double Barrel ng PNP.
Hiniling naman ni Bacorro na dagdagan ang mga sundalo sa lalawigan upang mapaigting ang seguridad at maiwasan ang pagpasok ng mga bandidong grupo sa lalawigan kagaya ng nangyayari sa Marawi City.
Source: Marinduque Provincial Government