TORRIJOS, Marinduque — Ibinahagi ng ilang kabataan sa bayan ng Torrijos, Marinduque ang kanilang talento sa pagpipinta sa katatapos lamang na Torrijos Artist Art Exhibit.
Gamit ang iba’t ibang midyum sa paguhit, ipinakita sa nasabing exhibit ang mga larawang likha ng mga local artist kagaya ng portrait ng aktres na si Taylor Swift, babaeng nakasuot ng facemask at mga paso na pinintahan ng mga makukulay na dekorasyon.
Ayon kay Paul Andrew Llante, naging gabay n’ya sa pagpipinta ang paghingi ng tip sa kapwa n’ya artist at ang panonood ng mga tutorial video sa Youtube.
Aniya, bagama’t wala umano silang pormal na pagsasanay sa larangan ng pagpipinta at pagguhit, pagsisikap ang kanyang ginawa para makaipon ng mga art material na gagamitin sa kanyang mga obra.
Dagdag ni Llante, inspirasyon ng kabataang kagaya n’ya ang maibahagi ang talento para matulungan ang sarili at pamilya.
Laking pasasalamat umano nila sa suporta ng kanilang pamahalaang lokal sa ganitong mga aktibidad.
“Huwag po silang tumigil na suportahan kami para maipagpatuloy namin ang aming mga pangarap”, pahayag ni Paul.
Ang Torrijos Artist Art Exhibit ay binubuo ng mga kabataang local artist na nagmula sa iba’t ibang barangay sa nabanggit na bayan.
Isa ito sa mga inilinyang gawain sa pagdiriwang ng ika 141-taong pagkakatatag ng bayan ng Torrijos na may pangunahing layuning kilalanin at pahalagahan ang mga natatanging talento ng mga mamamayan lalo na ng kabataan sa larangan ng sining. — Marinduquenews.com