Mining free zone, patuloy na isinusulong sa Marinduque

MOGPOG, Marinduque — Nagpahayag ng kanilang pagkadismaya at pagtutol ang Marinduque Council for Environmental Concerns (Macec) habang inilalahad ang kanilang panukalang maging mining-free zone at alisin sa listahan ng mining reservation area ang limang barangay sa bayan ng Mogpog, Marinduque.

Ito ay matapos ang ilang pampublikong konsultasyon hinggil pagsasailalim ng mga barangay ng Puting Buhangin, Bocboc, Banto at Malayak bilang mineral reserve area na may sukat na 1,343.76 na ektarya. Naganap ang magkasunod na konsultasyon noong Nobyembre 10 at 13 sa pagitan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Mines and Geosciences Bureau Chief Edwin Mojares at kanyang mga kasamahan.

Ayon kay Elizabeth Manggol, executive secretary ng MACEC, mariing ipinaabot ng kanilang grupo ang pagtutol sa anumang planong pagmimina sa bayan ng Mogpog at sa ibang bayan bagkus ay iginiit nito na ideklara ang buong lalawigan bilang mining-free zone.

“Nais po namin na pangunahan mismo ng DENR and rehabilitasyon ng mga apektadong lugar sa Mogpog at sa iba pang bayan. Naniniwala po kami sa MACEC na sa pamamagitan nito, may pag-asa ang lalawigan na maghilon at bumalik sa dati nitong kalinisan, ligtas at komportableng pamumuhay para sa mga mamamayan ng isla,” dagdag ni Manggol.

Sa mensahe naman ni Marinduque Island Innovation Ambassador Randy Nobleza, sinabi niyang nasa ilalim na ang lalawigan sa climate emergency at nanganganib na maging isang mineral reserve. Umaasa din si Nobleza na alisin sa listahan ng mineral reservation area ang probinsya at magkaroon ng environmental code na kikilala sa karapatan ng kalikasan.

Matatandaang nagkaroon ng pampublikong pagdinig hinggil sa Marinduque Environment Code na nakabinbin sa Sangguniang Panlalawigan. Sa hiwalay na pagdinig, ang nasabing kapulungan ay nagpasa ng resolusyon na sumusuporta sa inihain ng MACEC at nagpahayag na isusulong ang environment code. — Marinduquenews.com

error: Content is protected !!