BOAC, Marinduque — Maaari ng ibiyahe ang mga live hogs o buhay na baboy palabas ng Marinduque simula Abril 5.
Ito ay base sa Executive Order No. 12-2021 o ang Temporary Moratorium on Outside Shipment of Hogs, Pigs and/or Pork Meat na inamyendahan at nilagdaan ni Gov. Presbitero Velasco, Jr. kamakailan kung saan ay nasaad dito na pwede ng ibenta at ibiyahe ang mga native pig na galing Marinduque.
Ayon kay Velasco, ang mga native na baboy na tumitimbang ng mas mababa sa 30 kilo ang papayagan lamang na maibenta o maibiyahe patungong Maynila o karatig probinsya.
Nakapaloob din sa kalatas panlalawigan na 100 native pig lamang kada buwan ang maaaring ibiyahe ng isang lisensyadong negosyante o Bureau of Animal Industry (BAI) licensed trader palabas ng Marinduque.
Matatandaan na Pebrero 5 ngayong taon nang unang ilabas ng pamahalaang panlalawigan ang Executive Order No. 03-2021 o ang pagbabawal sa pagbiyahe ng live hogs gayundin ang karne nito simula Pebrero 9 hanggang Mayo 8 para matugunan ang demand ng baboy sa lalawigan sa gitna ng pandemyang bunsod ng COVID-19 at sa patuloy na banta ng African Swine Fever (ASF) sa bansa. –– Marinduquenews.com