Oryentasyon para sa murang pabahay ng DHSUD, isinagawa sa Boac

BOAC, Marinduque — Bumisita sa bayan ng Boac ang mga opisyal ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa rehiyon ng Mimaropa upang magsagawa ng oryentasyon hinggil sa programang pabahay ng pamahalaan.

Ang grupo na pinamumunuan ni DHSUD Mimaropa Regional Director Marvin M. Feraren ay personal na nagtungo sa tanggapan ni Mayor Armi DC. Carrion para ipaalam sa mga interesadong benepisyaryo ang handog na programa.

Ayon kay Carrion, napakahalaga ng kanilang misyon na makapagbigay ng maayos at abot-kayang pabahay para sa mga mamamayan lalo na sa mga empleyado ng gobyerno gayundin ang mga nasa pribadong sektor na wala pang sariling tahanan.

“Ang ganitong klaseng inisyatibo ay tugma sa ating layunin na mapabuti ang kalidad ng pamumuhay sa ating bayan. Nagpapasalamat din ako sa kanilang dedikasyon at pagsusumikap na dalhin ang impormasyon at oportunidad dito sa bayan ng Boac,” wika ng alkalde.

Para maging kwalipikado sa programa, kinakailangan na mamamayan ng Pilipinas ang isang aplikante, humigit 18 pataas ang edad, hindi dapat nagmamay-ari ng bahay sa lugar kung saan isinagawa ang aplikasyon at hindi pa nakinabang sa anumang tulong-pabahay mula sa gobyerno.

Samantala, nagpapatuloy ang konstruksyon ng kauna-unahang proyektong pabahay ng DHSUD sa Mimaropa na itinatayo sa Brgy. Buyabod, bayan ng Sta. Cruz na binubuo ng limang low-rise type building na may tig-aapat na palapag.

Ang Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing (4PH) ay isang flagship program ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa pangunguna ng DHSUD na may layuning matugunan ang nasa 6.5 milyon na backlog o kakulangan sa pabahay ng mga Pilipino. — Marinduquenews.com

error: Content is protected !!