GASAN, Marinduque – Binuksan kamakailan ang kauna-unahang Marinduque Pasalubong Kiosk na matatagpuan sa Departure Area ng Marinduque Airport sa bayan ng Gasan.
Ang pormal na pagbubukas ay dinaluhan nina Gob. Presbitero Velasco, Jr., kanyang maybahay na si Torrijos Mayor Lorna Velasco, kinatawan mula sa DTI at mga opisyales ng PCCI.
Ayon kay Rejano-Reyes, pangarap nila sa PCCI na magkaroon ng pasalubong kiosk sa airport upang maipakilala ang mga lokal na produkto ng probinsya.
Malaki rin aniya ang maitutulong ng pasalubong kiosk sa mga maliit na entreprenuer sa lalawigan upang madagdagan ang kanilang kita at kabuhayan.
Nagpasalamat naman si Gob. Presbitero Velasco, Jr. sa PCCI sa paglalagay ng pasalubong center sa Marinduque Airport sapagkat sa pamamagitan nito ay magiging madali na para sa mga pasahero at turistang aalis at darating sa panlalawigang paliparan ang pagbili ng mga pasalubong, souvenir items at produktong gawang Marinduque.
Mabibili sa pasalubong kiosk ang mga ipinagmamalaking produkto ng Marinduque gaya ng Arrowroot Cookies, Banana Chips, maskara ng moryon at iba pa.
Nabuo ang Marinduque Pasalubong Kiosk sa inisyatiba ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI)-Marinduque Chapter sa pangunguna ni PCCI President Carmelita Rejano-Reyes gayundin sa gabay ng Department of Trade and Industry (DTI) at pakikipagtuwang sa pamahalaang panlalawigan at sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP). – Marinduquenews.com