Peb. 21 bilang ‘Araw ng Marinduque’ inaprubahan ng Kongreso

Inihayag ni Marinduque Rep. Lord Allan Jay Velasco nitong Miyerkules sa pagpapasinaya ng Bantayog-Wika Tagalog Marindukenyo ang kanyang kagalakan matapos aprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang isinusulong niyang panukalang batas na nagdedeklara sa Pebrero 21 kada taon bilang Araw ng Marinduque. (Larawang kuha ni Karl Angelo Bunag/MNN)

BOAC, Marinduque – Aprubado na sa House Committee on Local Government ng Kamara ang panukang batas ni Lone District Rep. Lord Allan Jay Velasco upang gawing isang ganap na pistang lokal ang kada ika-21 ng Pebrero bilang pagdiriwang ng araw ng pagkakakatag ng lalawigan ng Marinduque.

Ikinatuwa ng kongresista, pangunahing may-akda ng House Bill (HB) No. 6552, ang pagkaka-apruba ng kanyang mga kasamahan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ayon kay Velasco, ang paggunita sa Araw ng Marinduque na itinuturing na ‘Sentro at Puso ng Pilipinas’ at tahanan ng Moriones Lenten Rites, ay isang pagkilala sa makulay na kasaysayan ng lalawigan na kanyang pinagmulan at maging ang mga kababayan niyang residente roon.

Sa ilalim ng HB No. 6552, magiging special non-working holiday sa Marinduque ang Pebrero 21 kada taon. Mabibigyan din aniya ng pagkakataon ang mga mamamayan sa lalawigan na makalahok sa mga aktibidad sa lugar.

“Ang araw ng pagkakatatag ng isang probinsya ay nagpapaalaala sa mga lokal na residente nito ng kanilang mayabong na kultura at tradisyon. Gayundin, pinalalakas at pinatitibay nito ang moral at ugnayan ng mga mamamayan”, pahayag ni Velasco.

Simula noong 1500, sa panahon ng rehimeng Espanya, ang Marinduque ay ginawang bahagi ng Laguna, Mindoro, Batangas at Quezon.

Kasama ang Mindoro, sa timog-silangan na bahagi ng Laguna at Camarines, ang Marinduque ay ginawang bahagi ng Batangas nang itatag ito noong 1581 ng mga Espanyol.

Naging bahagi rin ito ng Mindoro noong 1700.

Abril 1898 nang mahiwalay ang Marinduque sa Mindoro noong panahon ng himagsikan sa pamumuno ng rebolusyonaryong si Martin Lardizabal.

Noong 1901, muling isinailalim sa kontrol ng lalawigan ng Tayabas ang Marinduque.

Noong Mayo 1, 1901, sa wakas ay naging isang bagong lalawigan ang Marinduque sa bisa ng Batas Komisyon ng Pilipinas Blg. 125 subalit ang katayuang ito bilang isang nagsasariling lalawigan ay nawalan ng bisa matapos muling isama ang isla sa lalawigan ng Tayabas (ngayon ay Quezon) sa bisa ng Batas Blg. 499 noong Nobyembre 10, 1902.

Pagkalipas ng limang taon, idineklara ang Marinduque bilang kahating-lalawigan ng Tayabas sa ilalim ng Batas Blg. 1649 kasama si Juan Nieva na siyang tumayong tenyente gobernador.

Pebrero 21,1920 ng tuluyang maging ganap na hiwalay at independiyenteng lalawigan ang Marinduque mula sa Tayabas sa bisa ng Batas Blg. 2880 na pinagtibay ng Philippine Commission. Marinduquenews.com

Posted in Uncategorized
error: Content is protected !!