BOAC, Marinduque — Mula sa mga probinsya at highly urbanized cities na bumubuo sa rehiyon ng Mimaropa, ang lalawigan ng Marinduque ang nakapagtala ng pinakamababang inflation rate para sa buwan ng Enero.
Ayon kay Philippine Statistics Authority (PSA)-Marinduque chief statistical specialist Gemma N. Opis, pinakamataas ang naitalang inflation rate sa Romblon na may 6.7 porsyento, 3.9 porsyento sa Occidental Mindoro, 3.7 porsyento sa Palawan at 2.5 porsyento sa Oriental Mindoro.
“Ang headline inflation o ang pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo sa probinsya ay mas bumagal sa antas na 1.8 porsyento nitong Enero 2024 kumpara noong Disyembre 2023 na ang inflation rate ay naitala sa antas na tatlong porsyento habang noong Enero 2023 ay pumalo ito sa 9.2 porsyento,” paliwanag ni Opis.
Dagdag ni Opis, ang dahilan ng biglaang pagbaba ng inflation sa Marinduque ay ang pinagsamang pagbagal ng bilis na pagtaas ng presyo ng mga piling kalakal tulad ng pagkain at non-alcoholic drinks na may antas na -0.2 porsyento gayundin ang iba’t ibang produkto at serbisyo kasama na ang personal care na may bahagdan na 4.9 porsyento, at transportasyon na may naitalang -0.3 porsyento.
Samantala, bahagya ring bumaba ang purchasing power of peso o PPP sa probinsya kung saan mula sa P0.77 na naitala noong Disyembre 2023 ay bumaba ito sa P0.76 noong Enero 2024. Ang PPP ay isang indicator na nagpapakita kung magkano ang halaga ng piso sa kasalukuyang panahon kumpara sa nakalipas na mga buwan at taon. — Marinduquenews.com